VILLAR SIPAG PINANGARALAN SA KONTRIBUSYON NITO SA PAGLILINIS NG LAS PINAS AT ZAPOTER RIVER
Binigyan ng pagkilala ng DENR National Capital Region ang Villar SIPAG dahil sa naging kontribusyon nito sa paglilinis at rehabilitasyon ng Las Piñas at Zapote River. Ang parangal ay tinanggap ni Senador Cynthia A. Villar sa ginanap na Stakeholder and Partners Forum ng tanggapan noong Huwebes, ika-16 ng Pebrero, 2023, sa Park Inn Hotel, North EDSA Quezon City.
Sa kanyang mensahe sa mga dumalo sa pagtitipon, kinilala ng mambabatas ang mga grupo at organisasyon na naging katuwang ng DENR National Capital Region sa pagpapatupad ng mga plano at programa ng tanggapan para sa kapaligiran at likasyaman ng Metro Manila.
Hinikayat din ni Sen. Villar na palawakin at patatagin ang hanay ng mga samahan na nagnanais maging malinis, luntian, at likaskaya ang mga lungsod at pamayanan ng rehiyon.
"I wish that you could inspire more people to follow the good examples you have been doing for the environment as it is only when there is a critical mass of environmental advocates that we could forge a genuine environmental partnership that will bring us to a sustainable future", pahayag ni Sen. Villar.
Pinasalamatan naman ni Regional Executive Director Jacqueline A. Caacan si Senator Villar sa tulong nito sa pagpapayaman ng kaalaman at kasanayan sa tamang pamamahala ng basura at sa pagsusulong na maging protected area ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park (LPPWP) sa Kongreso.
“Naging malaki rin ang ambag ng Villar SIPAG sa pagpapalawak ng ating kaalaman at kasanayan sa larangan ng plastic waste recycling, waste segregation at composting. Patunay dito ay ang pagiging National Honorary Certificate awardee nito sa 2022 Energy Globe para sa Las Piñas Kitchen Waste Composting Program”, dagdag pa ni RED Caancan.