ROTARY CLUB OF MANILA TUTULONG SA DENR NCR SA PAGLILINIS NG PASIG RIVER AT MANILA BAY
 
Nagpulong ang mga opisyal ng Rotary Club of Manila (RCM) at DENR National Capital Region noong Mierkules, ika-1 ng Marso, 2023 sa Philippine-Chinese Chamber of Commerce Bldg., Binondo, Manila upang pag-usapan ang ginagawang paglilinis at rehabilitasyon ng Pasig River at Manila Bay sa ilalim ng Manila Bay Rehabilitation Project.
Pinangunahan ni RMC District Governor nominee Jack Rodriguez ang delegasyon ng kanilang pangkat na kinabibilangan ni RMC President Henry Go, RMC Director of the Board Hans Palacios, at RMC Pasig River Rehabilitation Chairman Jun G. Vasquez.
Dumalo din sa nasabing pagpupulong sina Punong Barangay Jasmin Escoto (Barangay 291); Marissa Alejandro (Barangay 293); Rolando Wong (Barangay 296); Ariel Sierda (Barangay 303); at Jefferson Lau (Barangay 281) ng Manila Chinatown Barangay Organization.
Kasamang dumalo ni Director Caancan si Assistant Regional Director for Technical Services, Engr. Ignacio R. Almira, Jr.; Conservation and Development Division (CDD) chief Aida E. Esguerra; Production Forest Management Section (PFMS) chief Arturo G. Calderon, at ilang kinatawan ng Pasig River Coordinating and Management Office (PRCMO).
Nauna rito, nagdaos ng maikling seremonya para sa pagbibigay ng DENR National Capital Region ng mga punla ng Palawan Cherry Blossom (𝘊𝘢𝘴𝘴𝘪𝘢 𝘯𝘰𝘥𝘰𝘴𝘢) sa RMC upang maitanim sa Binondo at kahabaan ng Pasig River bilang mga karagdagang atraksyon.
Ang Palawan Cherry Blossom na kilala rin sa pangalang Apostola ay isang uri ng puno na katutubo sa Pilipinas. Nahahawig ito sa pamosong Cherry Blossoms o Sakura ng Japan ngunit mas matagal itong namumulaklak kumpara sa huli. Katamtaman lang ang laki nito at madalas na ginagamit na ornamental plant dahil sa ganda ng bulaklak nito.
Nakatakdang magsagawa ng serye ng pagpupulong ang RMC at DENR National Capital Region upang pagtibayin ang samahan ng dalawang organisasyon para sa mga proyektong pangkalikasan.