Umabot na sa labintatlong (13) wildlife retrievals ang nagawa ng DENR Metropolitan Environmental Office-South (MEO-South) para sa buwan ng Enero pa lamang ngayong taon, ayon sa ulat ng Environmental Protection Officers (EPOs) ng tanggapan. Kabilang sa mga nabawing hayop ay mga sawa at ahas (Reticulated pythons, rat snakes); unggoy (Philippine Long-tailed macaques), ibon (White-bellied Sea Eagle at Philippine scops owl), at Northern Luzon cloud rat. Ang mga ito ay nabawi sa tulong ng mga concerned citizens na nag-report at veterinary offices ng pamahalaang lokal ng Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque at Taguig.
Ayon sa MEO-South, patuloy na tumataas ang bilang ng mga wildlife retrieval ng tanggapan simula nung maitatag ito noong 2019. Karamihan sa mga nakukuhang hayop ay reticulated pythons na agad namang dinadala sa Wildlife Rescue Center ng rehiyon sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center (NAPWC) sa Quezon City para sa pansamantalang kustodiya at pangangalaga.
Ang pagtaas ng bilang ng mga wildlife retrievals ay maari umanong may kaugnayan sa patuloy na urbanisasyon at land-use change sa Metro Manila at karatig na probinsya kung saan naaapektuhan ang natural na tahanan ng mga hayop, paliwanag ng mga EPOs. Gayundin, maari umano itong bunga ng pina-igting na kampanya ng DENR National Capital Region laban sa Illegal Wildlife Trade (IWT).
Sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001, ipinagbabawal ang panghuhuli, pananakit, pagmamay-ari o pag-aalaga, at pagbibenta/pagbili ng buhay-ilang ng walang permiso mula sa DENR at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Pinasalamatan naman ni Regional Executive Director Jacqueline A. Caancan ang publiko sa kanilang pagbabantay laban sa mga paglabag sa mga batas pangkalikasan sa kanilang lugar at agad na pakikipag-ugnayan sa DENR National Capital Region at mga MEOs nito. Sinabi niyang patuloy na pagsusumikapan ng tanggapan ang agarang pagtugon sa mga reports na itinatawag ng taong-bayan.
“Yan ang dahilan kung bakit itinatag ang ating MEOs, para mailapit ang serbisyo ng DENR National Capital Region sa mga mamamayan ng Metro Manila”, paliwanag ni Director Caancan.
Ang MEO-South ay itinatag para pangasiwaan ang pangangalaga ng kapaligiran at likasyaman ng lungsod ng Las Piñas, Parañaque, Muntinlupa, at Taguig, pati na sa munisipyo ng Pateros. Ang kanilang tanggapan ay matatagpuan sa 2/F RPB Bldg. 8192 Dr. A. Santos Avenue, Barangay San Dionisio, Paranaque City. Maari silang matawagan sa telepono blg. (02) 8252-8292 o mapadalhan ng email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..
- Details