PORMAL NA PAGSISIMULA NG PAGTATAYO NG GABAY KALIKASAN PARK SA QUEZON CITY
Pormal nang pinasimulan ang pagtatayo ng Gabay Kalikasan Park sa Barangay Mariana, District 4, Quezon City noong Huwebes, ika-9 ng Marso, 2023.
Kabilang sa mga dumalo upang lumahok at saksihan ang groundbreaking ceremonies ay si DENR National Capital Region Regional Executive Director Jacqueline Caancan; DENR Biodiversity Management Bureau (BMB) Caves, Wetlands and other Ecosystems Division OIC Chief Anson Tagtag; Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) Executive Director and Chief Sustainability, Finance and Risk Officer Chaye Cabal-Revilla; Quezon City Government (QC LGU) Parks Development and Administration Department OIC Ar. Baltazar Avelino; at Barangay Mariana Punong Barangay Regina Celeste San Miguel.
Ang Gabay Kalikasan Park ay bunga ng Memorandum of Agreement para sa Biodiversity Friendly Urban Development Project thru the Adopt-a-City scheme na nilagdaan ng DENR National Capital Region, BMB, Quezon City government at MPIC noong Marso 15, 2022.
Sa kanyang talumpati, pinuri ni Director Caancan ang proyekto na bunga ng pagtututlungan ng pribado at pampublikong sektor. Pinaliwanag din niya kung bakit mahalaga ang mga urban green spaces gaya ng parke sa kalusugan ng kapaligiran at mamamayan. Hinikayat din ni Director Caancan ang publiko na pagyamaning lalo ang mga urban green spaces ng Metro Manila at isaalang-alang ito sa mga development projects na kanilang pinaplano.
“Kung aarugain at kakalingain natin ang kalikasan, aarugain at kakalingain din tayo nito”, paliwanag pa ni Director Caancan. Inaasahang mabubuksan ang Gabay Kalikasan Park bago matapos ang buwan ng Hunyo ng kasalukuyang taon.