PINANGUNAHAN NG DENR NCR MEO NORTH ANG PAGTATANIM NG BAKAWAN SA MAYSILO MALABON CITY

Magkasamang nagtanim ng bakawan ang DENR Metropolitan Environmental Office-North (MEO-North), City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Malabon, Golden Arrow Trading, at Philippine Lady Eagles sa Barangay Maysilo, Malabon City noong Pebrero 18, 2023.

Ayon sa MEO-North, nakapagtanim ang mga lumahok ng isanlibong (1,000) punla ng bakawan sa baybaying bahagi ng barangay. Makakatulong umano ang mga punong bakawan upang pataasin ang kalidad ng tubig at hangin sa lugar dahil sa phytoremediation capabilities nito. Kasabay nito, nagsagawa din ng paglilinis ang mga lumahok at nakapag-alis sila ng isang daan at walumpu't pitong (187) sako ng halo-halong basura mula sa pampang. Ang nasabing gawain ay bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Program ng tanggapan ng DENR para sa National Capital Region.