
Sama-samang nagtanggal ng mga lumulutang na basura at water hyacinths sa San Dionisio River ang mga kawani ng DENR Metropolitan Environmental Office-South (MEO-South) at mga Estero Rangers nito, City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Parañaque, Coast Guard Sub-Station Parañaque (CGSSP), Parañaque City, at SM Prime Holdings, Inc.
Umabot sa tatlong daan at dalawamput pitong (327) sako ng magkahalong water hyacinths at basura ang nakuha mula sa ilog ng pinagsamang lakas ng limamput walong (58) katao na lumahok sa gawain.
Suportado ng SM Prime Holdings, Inc., ang paglilinis ng San Dionisio River bilang katuwang ng DENR sa programa nitong “Adopt-an-Estero”. Maliban sa pagpapadala ng tauhan, nagbibigay din ng kumpanya ng mga gamit panglinis gaya ng pala, kalaykay, at sako sa Barangay San Dionisio at mga Estero Rangers na nakatalaga sa Parañaque River.
Ang San Dionisio River ay bahagi ng Muntilupa-Parañaque-Las Piñas-Zapote (MUNTIPARLASPIZAP) River System at ang lahat ng basura at water hyacinths na naroon ay maaring mapunta sa Manila Bay kung hindi maaagapan. Ginagawa ng MEO-South at iba pang katuwang nitong organisasyon ang regular na paglilinis ng mga ilog at estero sa ilalim ng Manila Bay Rehabilitation Program.
- Details