Pormal na hinirang ng DENR National Capital Region ang punong Duhat (Syzgium cumini) sa loob ng Metro Manila College (MMC) campus bilang Heritage Tree sa isang seremonya na ginanap noong Lunes, ika-27 ng Pebero 2023, sa Novaliches, Quezon City.
Pinangunahan ni Assistant Regional Director for Technical Services Engr. Ignacio R. Almira, Jr. at Conservation and Development Division (CDD) Chief Aida E. Esguerra ang pagpapasinaya sa ika-39 na Heritage Tree ng rehiyon. Sinamahan sila ng mga opisyal ng MMC sa pangunguna ng ni Dr. Eleanor M. Agapito, Pangulo; Dr. Evelyne M. Dominguez, Vice President for Administration; at, Maria Aurora M. Villafuerte, Vice President for Planning and Development.
Itinaon ang pagpapasinaya sa Heritage Tree sa pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng MMC. Kaugnay nito, lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ang DENR National Capital Region at MMC patungkol sa pangangalaga ng Heritage Tree.
Ang napiling Heritage Tree ay tinatayang lagpas sa isandaang taon na ang edad. Kilala rin sa bansag na “Katipunan Tree”, ang nasabing puno ng Duhat ay minsan umanong nagbigay ng lilim kay Melchora Aquino at sa mga sugatang Katipunero na ginagamot nito noong panahon ng himagsikan laban sa mga Kastila.
Ayon kay ARD Almira, akma ang pagkakahirang ng puno ng Duhat bilang Heritage Tree dahil sa malaking papel nito sa kasaysayan ng lugar.
Ang Heritage Tree ay isang programa ng DENR National Capital Region na naglalayong pataasin ang kamulatan ng publiko sa kahalagahan ng mga matatanda at naglalakihang puno sa Metro Manila. “Maliban sa malinis na hangin at malamig na kapaligiran, malaki rin ang papel ng mga puno sa kasaysayan at kultura ng isang lugar, lalo na dito sa atin kung saan patuloy na papaunti ang mga puno. Kaya mahalaga ang ating Heritage Tree program”, dagdag pa ni ARD Almira.
- Details