DENR NCR MEO WEST IPINAKILALA SI PINAS BASURA BUSTER SA GREGORIA DE JESUS ELEMENTARY SCHOOL BILANG BAHAGI NG DALAW TURO SA MGA PAARALAN
 
Masayang sinalubong ng mga mag-aaral ng Gregoria De Jesus Elementary School sa Tondo, Manila si Pinas Basura Buster (PBB) nung ipakilala siya ng DENR Metropolitan Environmental Office-West (MEO-West) sa ginawa nitong Dalaw-Turo sa paaralan noong Pebrero 28, 2023.
Si PBB ay ang opisyal na mascot ng DENR para sa kampanya nito sa tamang pamamahala ng basura sa ating mga tahanan. Kasabay ding ipinakilala ng MEO-West ang Basura Buster game, isang mobile app na libreng mada-download sa Google Play Store, na layong magturo sa mga kabataan ng paghihiwalay ng basura.
Lagpas sa isandaang Grade 2 at 4 students ng paaralan ang nakipagsayaw kay PBB at aktibong lumahok sa mga diskusyon, palabas, at palarong inihanda ng MEO-West.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ng MEO-West ang kahalagahan ng tamang pamamahala ng basura at ang ginagawang paglilinis ng mga ilog at estero kaugnay ng Manila Bay Rehabilitation Program. Itinanghal din ang dula "Inang Kalikasan" ng Philippine Information Agency (PIA) Puppet Theater.
Naging katuwang ng MEO-West sa ginawang Dalaw-Turo ang Department of Public Services ng Manila City government.