DENR NATIONAL CAPITAL REGION OCULAR INSPECTION SA ESTERO DE PACO AT ESTERO PANDACAN

Nagsagawa ng ocular inspection si DENR National Capital Region Regional Executive Director Jacqueline A. Caancan sa Estero de Paco at Estero de Pandacan noong Martes, ika-7 ng Marso, 2023.

Sinamahan siya ng mga tauhan ng Manila Bay Site Coordinating and Management Office (MBSCMO) at Pasig River Coordinating and Management Office (PRCMO). Nakipagpulong din si Director Caancan sa mga partner organizations ng PRCMO sa pangangalaga ng mga nasabing daluyan ng tubig. Kaugnay nito, ipinag-utos ni Director Caancan na isama ang Estero de Paco sa aalisan ng burak at naipong putik sa ilalim upang maibalik ang dati nito lalim.

Pinalalagyan din ni Director Caancan ang estero ng CCTV upang masubaybayan ito habang pinari-repaso naman ang Memorandum of Agreement para sa Estero de Pandacan upang maisama ang mga barangay sa kasunduan tungkol sa pangangalaga dito. Inatasan din ni Director Caancan ang Conservation and Development Division (CDD) na pag-aralan kung paanong matatamnan ng halaman ang magkabilang gilid ng estero at ang PRCMO na makipag-ugnayan sa mga barangay na nangangailangan ng raft na magagamit sa pagkolekta ng basura sa mga estero.