DENR NATIONAL CAPITAL REGION NAGSAGAWA NG BIRD DIVERSITY ASSESSMENT AND MONITORING SA TAGUIG CITY
 
Isang Bird Diversity Assessment and Monitoring ang isinagawa ng Coastal Resources Foreshore and Management Section (CRFMS) at Protected Area Management and Biodiversity Section (PAMBCS) ng Conservation and Development Division (CDD) ng DENR National Capital Region, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Taguig (I Love Taguig) na pinangunahan ni Hon. Mayor Lani Cayetano noong ika-24 ng Enero sa Lakeshore, Barangay Lower Bicutan, sa nasabing lungsod.
 
Layunin ng aktibidad na tingnan at suriin kung ang Lakeshore ay may potensyal na mapabilang sa mga Bird Watching Hotspot sa lungsod, sa Metro Manila, sa kabuuan. Kasama rin sa layunin ang pagsama-samahin, suriin, at gamitin ang mga datos na makukuha rito bilang batayan para sa pagbuo ng mga patakaran at interbensyon para protektahan at pangalagaan ang mga kilalang tirahan ng mga ibon sa mga kalupaan at katubigan partikular na ang Manila Bay.
 
Bukod sa Bird Diversity Assessment and Monitoring, nagsagawa rin ng isang lecture-discussion tungkol sa wastong paggamit ng mga optical na instrumento (binoculars at spotting scopes), mga tips sa pagkilala at pagmamasid ng mga ibon, at aktwal na pagbibilang ng mga ito sa nasabing Lakeshore. Ito ay pinangasiwaan ni CRFMS Chief Justin Albert De Ramos, at nilahukan naman ng humigit kumulang dalawamput-limang (25) kawani kasama ang City Environment and Natural Resources Office ng Taguig, Office of the City Veterinarian – Taguig, City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, at ang iba pang mga kawani mula sa CRFMS at PAMBCS.
 
Naobserbahan at natukoy ng grupo sa nasabing lugar ang kabuuang 132 ibon mula sa walong species, kabilang dito ang Whiskered Terns, Little Egrets, Javan Pond Herons, Common Kingfishers, Collared Kingfishers, Barn Swallows, Rock Doves (Feral Pigeons), at Eurasian Tree Sparrow.
 
Ang DENR-NCR ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamalaan ng Metro Manila para sa pagsasagawa ng mga aktibidad na may kinalaman sa panganagalaga ng kapaligiran at likas yaman, kasama na ang Bird Diversity Assessment and Monitoring, Asian Waterbird Census, at iba pa.