
Dinaluhan ng tatlumpu’t anim (36) na kawani ng DENR National Capital Region ang 2023 Society of Filipino Foresters, Inc. (SFFI) National Conference na may temang, “Advocating Wood and Non-Timber Forest Products Sufficiency for Climate Resiliency” na ginanap mula ika-8 hanggang ika-12 ng Nobyembre sa Olongapo, Zambales.
Layunin ng pagtitipon na palakasin ang samahan ng lahat ng Registered Professional Foresters (RPF) mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. Nagkaroon ng mga diskusyon ukol sa kalagayan ng kagubatan at likas yaman, partikular sa wood and non-timber forest products. Dagdag pa rito, tinalakay rin ang kahagalahan ng pakikipag-ugnayan sa international forestry professionals para sa kolaborasyon at pag-aaral ng mga programa sa larangan ng panggugubat at likas-yaman, lalo na sa pagresolba sa problema ng climate change.
Ilan sa mga RPF mula sa DENR-NCR na dumalo sa kumbensyon ay sina Conservation and Development Division Chief, For. Aida Esguerra; Manila Bay Site Coordinating/Management Office Site Coordinating/Management Officer, For. Haidee Pabalate; Metropolitan Environmental Office (MEO) – West OIC Director, For. Rodelina De Villa; MEO – North OIC Deputy Director, For. Daryll Olga Arzadon; at marami pang iba mula sa iba’t ibang dibisyon ng tanggapan.
Bilang bahagi ng programa, nagkaroon ng isang patimpalak na pinamagatang “Talentadong Manggugubat” na nilahukan ng DENR-NCR na itinampok ang mga aktibidad ng tanggapan partikular na pagdating sa Manila Bay Rehabilitation Program. Ang DENR-NCR ang nag-uwi ng 1st runner-up at Netizens’ Choice awards.
- Details