DENR NATIONAL CAPITAL REGION DUMALO SA 2023 RCCC NG DEPED TAYO NCR
 
Inimbitahan ang DENR National Capital Region sa isinagawang Regional Climate Change Caravan (RCCC) 2023 ng Department of Education - National Capital Region (DepEd Tayo - NCR) na may temang "Maneuvering to Climate Change Resiliency Through Mobilization of School Communities: An Action for All" noong ika-10 ng Nobyembre na ginanap sa Rizal High School.
 
Tampok sa RCCC ang paligsahan ng iba’t ibang Schools Division Office (SDO) ng Metro Manila para sa paggawa ng mga proyektong disenyo gamit ang mga recyclable materials para sa paglikha ng Ecological Park at Best Practices na naaayon sa Climate Change Adaptation and Mitigation. Layunin din nang nasabing aktibidad na hikayatin ang mga mag-aaral at kabataan ng rehiyon na ipakita ang kanilang kaalaman, pagkamalikhain, at pangako na tugunan ang mga isyu ng kapaligiran at hamon ng Climate Change.
 
Sina Ella Aquino mula sa Coastal Resources Foreshore and Management Section at For. Lemuel Tolosa ng Production Forest and Management Section ang mga kinatawan ng tanggapan na nagsilbing mga hurado sa paligsahan.
 
Kasama sa mga lumahok dito ay ang SDO ng mga lokal na pamahalaan ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Quezon City, Taguig at Pateros, at Valenzuela.
 
Buo ang suporta ng DENR-NCR sa mga aktibidad na may kinalaman sa kapaligiran at likas na yaman ng DepEd-NCR upang mas palakasin ang ugnayan ng dalawang organisasyon, lalo’t higit ang pagtataas ng kamalayan, pagpapaunlad ng kaalaman, at aktibong paglahok ng mga mag-aaral pagdating sa usaping Climate Change.