DENR MEO WEST AT SOUTH NAGSANIB PWERSA SA PAGLILINIS NG STO. NINO CREEK
 
Nagsanib pwersa ang mga tauhan ng DENR Metropolitan Environmental Office–West at South (MEO-West at MEO-South) sa ginawang paglilinis ng Sto. Niño Creek sa Barangay 145, Pasay City noong ika-10 ng Marso, 2023. Nakibahagi din ang mga kinatawan ng barangay at City Environment and Natural Resources Offices (CENRO) ng Pasay City sa paglilinis.
Isinabay rin ng barangay ang pagbabaklas ng ilang mga istruktura na iligal na itinayo sa 3-meter easement area ng sapa. Umabot naman sa limang daan at dalawampu't tatlong (523) sako ng basura ang nakuha mula sa Sto. Niño Creek na karugtong ng Estero Tripa de Gallina at Parañaque River. Kung hindi naagapan, mapupunta lamang ang nasabing basura sa Manila Bay at dadagdag pa sa polusyon dito.
Ang ginagawang paglilinis ng DENR MEOs sa estero at ilog ng Metro Manila ay bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Program na naglalayong mapabuti ang kalidad ng tubig sa Manila Bay at maibalik sa dating ganda nito.