Magkasamang pinuntahan ng mga kawani ng DENR Metropolitan Environmental Office-West (MEO-West) Cluster 6 Team at Pollution Control Division (PCD) ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng San Juan ang isang fast food chain sa lungsod noong Mierkules, ika-8 ng Pebrero, 2023, upang magsagawa ng imbestigasyon sa ulat na nagpapakawala umano ito ng maruming tubig sa Ermitaño Creek. Nagmula ang ulat sa mga Estero Rangers na palagiang naglilinis sa creek na dumadaloy palabas ng San Juan River. Ayon sa mga Estero Rangers, napansin nila ang dahil sa ulat na natanggap nito na nagpapakawala ito ng tubig na may halong mantika ang fast food chain.
Pinangunahan ni Engr. Cherry Ellaine Calleja ng PCD CENRO San Juan ang inspection at compliance monitoring sa nasabing food chain. Sa pag-i-imbestiga ng joint inspection team, napag-alaman nilang hindi maayos ang grease trap ng establisyemento.
Napag-alaman din ng inspection team na pasó na ang ilan sa mga environmental permits nito. Dahilan dito, pinayuhan ng inspection team ang namamahala ng fastfood chain na ayusin ang kanilang grease trap at i-renew ang mga permits ng kompanya para patuloy itong makapag-operate sa lungsod. Kaugnay nito, binigyan ng inspection team ang mga namamahala ng panahon upang gawin ang kanilang tagubilin.
Gayunpaman, binalaan ng inspection team na magsasagawa ito ng surpise inspection upang malaman kung nasusunod na nila ng maayos ang probisyon ng Batas Pambansa Blg. 9275 o “Philippine Clean Water Act of 2004” at mga lokal na ordinansa patungkol sa tamang pamamahala ng wastewater sa lungsod.
Sa ilalim ng Sec. 20 ng BP 9275, ang lokal na pamahalaan ang may pangunahing responsibilidad na mapangalagaan at maitaas ang kalidad ng tubig na dumadaloy sa mga ilog at estero sa loob ng kanilang nasasakupan.
- Details