DENR MEO SOUTH NAGSAGAWA NG PAGSASANAY SA R.A. 9275 O CLEAN WATER ACT OF 2004
 
Matagumpay na naisagawa ng DENR Metropolitan Environmental Office (MEO) – South ang isang pagsasanay pagdating sa Republic 9275 o ang Clean Water Act of 2004 na ginanap noong ika-8 ng Nobyembre. Ito ay pinangunahan ni MEO – South OIC Director, Bobby V. Tagapan at pinangasiwaan naman ang talakayan ng mga kinatawan mula sa Environmental Management Bureau – National Capital Region (EMB-NCR).
 
Nagbahagi ng mga mahahalagang impormasyon pagdating sa batas, mga aktibidad na dapat at maaaring gawin, ang pagkuha at kahalagahan ng Environmental Compliance Certificate o ECC at ang Certificate of Non-Coverage o CNC, ang pagkuha ng Discharge Permit, at ang pagsasagawa ng water sampling protocol and procedures on-site water sampling sina Josephine Q. Natividad, For. Riza C. Arjona, Engr. Cherry Rose B. Bombales, at Alex L. Adal.
 
Bukod sa talakayan, nagkaroon din ng aktwal na aktibidad ang mga kalahok pagdating sa tamang pagkuha at pagsasagawa ng water sampling. Pangunahing layunin ng pagsasanay ay bigyang sapat na kaalaman at kapasidad ang mga kawani ng MEO – South sa pagsasagawa ng mga aktibidad, lalo’t higit ng water sampling, na makatutulong din sa mga gawain na may kinalaman sa tuluy-tuloy na implementasyon ng programa pagdating sa Manila Bay.