DENR MEO SOUTH NAGSAGAWA NG DALAW TURO SA MT. MORIAH CHRISTIAN ACADEMY KAUGNAY NG SELEBRASYON NG WORLD WETLANDS DAY
Dumalaw ang mga kinatawan ng DENR Metropolitan Environmental Office–South (MEO South) sa Mt. Moriah Christian Academy sa Barangay Bagumbayan, Taguig City noong ika–10 ng Marso, 2023 para magbahagi ng kaalaman tungkol sa pangangalaga ng wetland areas kaugnay ng idinaos na World Wetlands Day noong ika-2 ng Pebrero, taon ding kasalukuyan.
Dinaluhan ng limampung (50) Grade 11 students ang learning activity kung saan ipinakilala rin sa mga mag-aaral ang Las Piñas Parañaque Wetland Park (LPPWP) na isa sa walong (8) Wetland of International Importance sa ilalim ng Ramsar Convention on Wetlands. Tinalakay din sa nasabing Dalaw-Turo ang banta ng climate change, partikular na sa mga maliliit at papaunlad na bansa gaya ng Pilipinas.
Nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga estudyante at guro na magtanong at magbigay ng kanilang kuro-kuro at mungkahi sa mga ibinahaging kaalaman tungkol sa wetlands at climate change.
Ang pagsasagawa ng Dalaw-Turo ay isa sa mga istratehiya ng DENR upang maipaabot ang kaalaman sa mga isyung may kinalaman sa kapaligiran at likasyaman sa publiko.