DENR MEO NORTH PATULOY ANG GINAGAWANG PAGLILINIS SA DALAMPASIGAN NG TANZA MARINE TREE PARK
 
Nagpatuloy ang ginagawang paglilinis ng DENR Metropolitan Environmental Office-North (MEO-North) sa dalampasigan ng Tanza Marine Tree Park (TMTP) sa Barangay Tanza I, Navotas City noong ika-8 ng Marso, 2023.
Pinagtulungang pulutin at isako ng limampung (50) tauhan ng MEO-North at Estero Rangers—dalawampu’t pitong (27) kalalakihan at dalampu’t tatlong (23) kababaihan—ang mga basurang napadpad sa mangrove areas ng TMTP. Sa kabuuan, umabot sa limang daang (500) sako ng basura ang nakuha sa TMTP, karamihan dito ay mga plastic na pambalot ng pagkain, sabon at iba pang consumer products.
Ang TMTP ay isa sa mga nalalabing mangrove areas ng Metro Manila at kilalang lugar na palagiang binibisita ng mga migratory birds. Magkatuwang naman itong pinangangalagaan ng DENR National Capital Region, lokal na pamahaalaan, at iba pang partner organizations ng DENR sa ilalim ng Manila Bay Rehabilitation Program.
Bagamat regular itong nililinis ng DENR, palagian ding naiipon ang mga basura dito na nagmumula sa ibang siyudad at karatig na probinsya ng Metro Manila dahil na rin sa hindi maayos na pamamahala ng basura sa mga kabahayan at mga pampublikong lugar.
Kaugnay nito, nagpa-alalang muli si MEO North OIC Director, Engr. Nolan Francisco sa lahat na ugaliing magbawas at paghiwa-hiwalayin ang basurang likha upang hindi na makadagdag pa ng basura sa TMTP at Manila Bay.