
Muling binalikan ng DENR Metropolitan Environmental-North (MEO-North) ang Polo River sa Barangay Malinta, Valenzuela City noong ika-8 ng Marso, 2023 upang linisin at alisin ang mga water hyacinths na naiipon dito.
Umabot sa dalawampung (20) sako ng water hyacinths ang natanggal ng mga tauhan ng MEO-North, Estero Rangers, at Bantay Ilog ng lokal na pamahalaan mula sa Polo River.
Ang Polo River ay bahagi ng Malabon-Navotas-Tullahan-Tinajeros (MANATUTI) River System. Dumadaloy ito mula Barangay Wawang Pulo sa Valenzuela City hanggang Barangay Pinalagad at Maysilo ng Malabon City. Pinagdudugtong nito ang Meycauyan River sa hilagang hangganan ng Metro Manila at Tullahan River.
Ayon sa mga pag-aaral, ang water hyacinths ay "bioindicator" o tanda ng polusyon sa tubig. Maari umanong maraming organic pollutants at heavy metals ang tubig kung kaya mabilis na dumami ang water hyacinths.
Ito ang dahilan kung bakit palagian ang ginagawang paglilinis ng MEO-North at mga partner organizations nito sa mga ilog at estero sa hilagang bahagi ng Metro Manila. Ang gawaing ito ay kaugnay ng Manila Bay Rehabilitation Program na naglalayong mapabuti ang kalidad ng tubig sa Manila Bay at ibalik ang dating ganda at linis nito.
- Details