DENR MEO EAST BINISITA ANG NATATANGING BIO GAS DIGESTER NG MARIKINA CITY
Sinadya ng mga kinatawan ng DENR Metropolitan Environmental Office-East (MEO-East) ang Barangay Concepcion Uno ng Marikina City noong ika-1 ng Pebrero, 2023 upang tignan ang natatanging Bio Gas Digester ng lungsod.
Ayon kay Marilee Joy Castro, ang namamamahala sa pagpapatakbo ng pasilidad, gawa daw ng Department of Science and Technology (DOST) ang Bio Gas Digester sa tulong ni Rep. Stella Quimbo. Kaya umano ng Bio Gas Digester na gawing organic fertilizer o pataba ang isang (1) tonelada ng kitchen waste o mga basurang nabubulok.
Kinokolekta ng mga kawani ng barangay ang mga kitchen waste sa mga kabahayan at dinadala sa Bio Gas Digester. Ibinebenta naman ng barangay ang mga pataba sa murang halaga.
Ayon kay G. Gerry Sto. Domingo, Punong Barangay ng Concepcion Uno, malaking tulong ang bio digester para sa pamamahala ng basura sa kanilang nasasakupan.
Sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 9003, ang barangay ang may pangunahing responsibilidad sa pamamahala ng basura sa kanilang lugar. Ipinag-uutos ng batas ang pagkakaroon ng Materials Recovery Facility (MRF) kung saan ginagawa ang pagko-compost ng nabubulok na basura at paghihiwalay ng recyclable materials. Tanging mga residual na basura ang dapat na dinadala sa disposal facility o sanitary landfill.