Hinuli at isinuko ng mga residente ng Barangay Manuyo Uno, Las Piñas City ang isang Northern Luzon cloud rat (Phloeomys pallidus Nehring) sa kinatawan ng DENR Metropolitan Environmental Office-South (MEO-South). Ayon sa mga humuli ng cloud rat—na kilala sa tawag na “Bu-ot” sa ilang bahagi ng Luzon—nakita umano nila ito na ilang linggo nang aali-aligid at patakbo-takbo sa bubong ng mga kabahayan sa kanilang lugar.
Dahil dito, nagpasya silang hulihin ito at ibigay ito sa pangangalaga ng DENR. Mabilis namang tumugon ang MEO-South compliance monitoring team at pinuntahan ang barangay upang kunin at maayos na madala sa regional Wildlife Rescue Center sa Quezon City para masuri at pansamantalang mapangalagaan alinsunod sa Republic Act No. 9147 o “Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001”.
Ang mga bu-ot ay isang uri ng daga na naninirahan sa itaas ng mga puno. Ang mga ito ay aktibo sa gabi at nanginginain ng mga halaman at bungang kahoy. Mayroong anim (6) na species o uri ng cloud rats sa mundo at ang lahat ng ito ay tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan makikita. Isa na nga rito ang Northern Luzon Cloud Rat na nakita sa Las Piñas City.
Ayon sa DENR Administrative Order No. 2019-19, hindi pa nabibilang ang Northern Luzon cloud rat sa mga endangered o vulnerable species. Samantala, ang Dinagat hairy-tailed cloud rat (Crateromys australis) at Ilin hairy-tailed cloudrat (Crateromys paulus) ay itinuturing nang critically endangered habang ang Panay bushy-tailed cloud rat (Crateromys heaneyi) ay endangered at ang Bushy tailed-cloud rat (Crateromys schadenbergi) at Southern Luzon giant cloud rat (Phloeomys cumingi) ay pawang mga vulnerable species na ang kategorya.
Bagamat species of Least Concern ang Norther Luzon cloud rat, pinaalalahanan pa rin ni DENR National Capital Region Regional Executive Director Jacqueline A. Caancan ang publiko na bawal mag-hunting, manakit, bumili o mag-alaga ng mga buhay-ilang nang walang kaukulang pahintulot mula sa DENR. “Maaring mapatawan ng multa at parusang pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang lumabag ng ating batas, depende sa conservation status ng hayop o halamang involved”, paliwanag ni Director Caancan. “Kung may makikita tayong lumalabag ng ating mga batas pangkalikasan, agad nating i-report ito sa ating mga MEO para sa agarang aksyon.
Mayroon tayong binuong apat (4) na MEO sa Metro Manila at para nga sa lungsod ng Las Piñas, Parañaque, Muntinlupa, at Taguig, pati na sa munisipyo ng Pateros, maari tayong makipag-ugnayan sa MEO-South”, dagdag ni RED Caancan. Ang tanggapan ng MEO-South ay maaring matawagan sa telepono blg. (02) 8252-8292. Maari ring mapadalhan ng email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o bisitahin ang kanilang tanggapan sa 2/F RPB Bldg. 8192 Dr. A. Santos Avenue, Barangay San Dionisio, Paranaque City.
- Details